Ang mga medalya ni Jess Lapid ay hindi ang sagisag ng katapangan sa pakikidigma, kundi ang kanyang mga pilat ng sugat na tinamo sa mga siyuting ng pelikulang nilalabasan sa hangaring maging makatotohanan at makasining ang tagpo.
Si Jess Lapid ay hinirang at tinaguriang isa sa mga hari ng bakbakan sa Pelikulang Pilipino noong dekada 60.
ANG MGA MEDALYA NI JESS LAPID
Sinulat ni Mila A. Parawan
Literary Song-Movie Magazine
Oktubre 1, 1964
Sa isang kawal ang medalya ay sagisag ng katapangan. At si Jess Lapid, sumisikat na bagong bituin ng Tagalog Ilang-Ilang, bagama't hindi kawal, ay may mga medalyang matatawag. Mga medalyang sagisag din ng katapangan. Mga medalyang nakaukit sa kanyang katawan, sapagka’t iyon ay mga pilat ng mga sugat na nakuha niya sa mga shooting ng pelikula.
"Kim" (1957)
Katulad nang ginagawa nila ang pelikulang “Kim” sa Saigon. Sa isang eksena ruon ay nagpanghamok sila ni Efren Reyes, ang pangunahing tauhan ng kasaysayan sa isang dalampasigan. Sa isang suntok ni Efren ay kailangang mapasubsob si Jess sa buhanginan. Hindi nila napansin ang kabibing nakaumang sa babagsakan ni Jess. Dulo tuloy, nahagip niyon ang kaliwang kilay ni Jess. Ang akala ni Jess ay mabubulag na siya noon din. Awa naman ng Diyos ay hindi napinsala ang kanyang mata. At nang gumaling ay nag-iwan iyon ng isang pilat sa kaliwang kilay ni Jess.
"Hongkong Honeymoon" (1960)
Ang pilat naman ni Jess sa may noo ay nakuha niya sa pelikulang “Hong Kong Honeymoon" na pinagtambalan nina Shirley Gorospe at Zaldy Zshornack. Sa isang eksenang suntukan ay napalaban si Jess at sa pag-ilag niya sa isang dram ng langis na kanyang mabubunggo ay nakayod siya tuloy sa may noo ng isang nakausling pako ng bakod.
"Bisaya Man" 1960)
Nang magsiyuting naman sila sa Cebu City ng pelikulang “Bisaya Man" na pinagtambalan nina Zaldy Zshomack at Edita Clomera, si Jess ay napabilang na naman sa mga isinama ng pangkat. Isang araw ay nagkaruon sila ng shooting sa isang bar doon. Upang di tumawag ng pansin ng publiko ay ikinubli ng mga tauhan ang kamera. Ang may-ari lamang ng bar ang nakaaalam at mga tauhan nito. Kasalukuyang umiikot ang kamera nang may pumasok na isang barkadang siga sa pook na iyon. Sa hindi malamang dahilan, nainis ang barkada kay Zaldy at nagkaruon ng mainit na palitan ng salita. Ang kanilang direktor naman, sa kagustuhahg maging natural ang eksenang kukunan nila na ganoon ang tagpo ay binayaan na iyon at pinaikot ang kamera. Nguni’t nabigla sila nang makita nilang nagbunot ng de beinte-nuebe ang isang katalo ni Zaldy at sumugod iyon ng saksak. Si Jess na katabi lamang ni Zaldy ay nagging maagap sa paghadlang upang iligtas si Zaldy nguni’t nahagip din siya ng patalim sa kanang braso Nasugatan siya at nang maghilom iyon ay nagkaruon si Jess ng pilat na tatlong pulgada ang haba sa kalamnan ng kanyang kaliwang braso. Akala ng mga nanood ng pelikulang “Bisaya Man" ay kunwari lang ang dugong umagos sa braso ni Jess, hindi nila nalamang totoong dugo na iyon. Ang eksena ay hindi na binago, naging lubhang natural iyon.
Matagal ding nanatili si Jess bilang isang “bit-player” sa bakuran ng Premiere Production. Huling pelikula niya ang "Huwag mo Akong Limutin" bilang bit-player sa Premiere at sa panahong ito ay lalong nadagdagan ang mga medalyang iniingatan ni Jess sa iba't ibang bahagi ng kanyang katawan.
"Dead or Alive" (1960)
Dumating ang magandang pagkakataon nang bigyan siya ng isang supporting role sa pelikulang “Dead or Alive" ni Direktor Alex Sunga. Nguni’t si Ronnie Poe ang masasabing nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang gumanap bilang isang kontrabida sa pelikulang “Pasong Diablo”.
"Pasong Diablo" (1961)
"Mga Tigreng Taga-Bukid" (1962)
At, nang itatag ang samahang Tagalog Ilang-Ilang, ay isa si Jess sa mga kaunaunahang tanhan ng samahang naturan. Sa ilalim ng bandila ng Taga1og Ilang-Ilang nakilala si Jess bilang isang kontrabida. Sabihin pa, lalong nalantad ang katawan ni Jess sa panganib. Akala nga ni Jess noong una ay ligtas na siya sa mga disgrasya dahil sa pangalawa na siya sa bida, nguni’t nagkamali siya. Ang pelikulang “Mga Tigreng Taga-bukid” ay nag-iwan din ng isang pilat kay Jess sa may likod niya. At sa isang eksena sa pelikulang “Suicide Commando," si Jess ay nagkaruon din ng medalya sa kanang binti.
"Suicide Commandoes" (1962)
Palibhasa’y dating stuntman, nang kinakailangang tumalon si Jess sa isang mataas na bahagi ng isang paltok na siyang kailangan sa eksena, ay wala siyang pasubaling sumunod sa hinihingi ng eksena. At nangyari ang hindi inaasahan. Nasabit ang kanyang pantalong nawakwak at nakayod ang kanan niyang binti. Dalawa’t kalahating pulgada, ang iniwang pilat niyon. Buti na lang at inaka pantalon siya ng patig, kung hindi, ay malamang na mas mahaba at malalim ang naging pilat niya sa aksidenting iyon.
"Sierra Madre" (1963)
Habang nararagdagan ang mga pilat na ito ni Jess Lapid sa katawan ay lumalawak naman ang kanyang kaalaman sa larangan ng pelikula. Ang kaalamang ito ang naghatid ng magandang kapalaran sa kanya. Unti-unti siyang naihanay sa mga tigasing kontrabida hanggang sa di nagtagal ay binigyan siya ng pagka-kataon ni Ronnie upang maging ganap na bituin sa pelikulang "Sierra Madre". Inakala na naman ni Jess na sapagka’t bida na siyang maituturing ay simula na upang hindi na siya magkaruon pa ng pilat sapagka't bida na nga siya. Alam ni Jess na para hindi mabinbin ang pelikula kung sila'y nadidisgrasya ay kailangan nilang magkaruon ng double. Nguni't nagkamali na naman siya sapagka't kailan lamang ay nadagdagan na naman ang mga "medalya" niya.
"Ito ang Lalake" (1964)
Sa shooting ng "Ito ang Lalaki” 'ng Tagalog Ilang-Ilang, si Jess ay nabalian naman ng tuhod nang sa isang eksena ay kailangan niyang talunin ang may 36 na talampakang taas ng isang tulay upang makaiwas sa isang dumarating na tren. Kung sabagay, masasabing kasalanan na rin ni Jess ang pangyayaring iyon sapagka't katulad ng dati ay ayaw ni Jess ang may double kaya't bunga ng aksidenting iyon ay naospital siya ng isang linggo at nai-cast tuloy ang kanyang kaliwang binti upang maisauli ang nalinsad na buto nito. May naiwan ding pilat ang nasabing aksidenting iyon sa kanyang tuhod. Dulo tuloy nito ay nabinbin ang shooting ng “Ito ang Lalaki” at ang pelikulang “Deadly Brothers" na kapwa pinangungunahan ni Jess Lapid.
"Deadly Brothers" (1964)